Marahas ang Maynila sa’yo, Mahal.

Marahas ang Maynila sa’yo, Mahal. 

Doon kay Maynila, lahat ay nakikipagsapalaran, lahat ay may kanya-kanyang pinagkakaabalahan. Bawat tao’y may sariling interes, at bawat tao’y mistula bang nagmamadali.

Lumaki tayo malapit kay Maynila. Kamakailan lang nang nakita natin ang isa’t-isa na hinahasa ang ating mga sarili para suungin ang pagsubok ng tinatawag nilang “real world.” Hindi kalaunan, sumabak na tayo sa malaking mundo ng urbanidad, sa malaking mundo na tila ba walang puwang para sa tulad nating mga bagong salta, tayong mga sanay sa kalinga ng maliit nating mga probinsya. Si Maynila ang naging daan natin tungo sa mga ito.

Labag man sa ating kalooban, bawat araw pipilitin nating harapin si Maynila. Pipiliting puntahan kahit ayaw, pipiliting paghandaan bawat araw. Gigising tayo na tila ba mga robot na may sinusunod na mekanismo. Pagsapit ng dilim, uuwi tayong pagod na pagod, at mabubuhay na lamang na hinihintay kung kailan magiging maamo sa atin ang marahas na si Maynila.

Subalit, kahit ganito si Maynila sa ating dalawa, may utang na loob ako sa kanya. 

Kung hindi dahil kay Maynila, hindi kita makikilala.

Kung hindi dahil kay Maynila, malamang ay hindi magku-krus ang landas nating dalawa.

Kung hindi dahil kay Maynila, hindi natin maihahanda ang ating mga sarili sa mga pagsubok na balak dalhin ng buhay.

At higit sa lahat, kung hindi dahil kay Maynila, wala tayong pagkakataong magkasama.

Hindi maipagkakaila ang dinulot ni Maynila sa kwento nating dalawa. Si Maynila rin kaya ang magiging panira ng istorya? 

Nakikita ka ni Maynila na nag-iisa. Ganun din naman ako. Alam ni Maynila na parehas tayong nahihirapan, pero pinipilit nating maging matatag. Bagamat mga dayo lamang, pursigido tayong maging matagumpay sa buhay. Maraming kilalang ganito si Maynila, pero wala siyang pinipili.

Marahas si Maynila sa lahat. Lalung-lalo na sa’yo, Mahal. 

Ilang beses ka na niyang pinagod, pinaasa, pinahirapan. Bumabangon ka araw-araw para harapin siya, umaasang gaganda ang trato niya sa’yo, subalit hindi siya marunong magpahalaga. Handang-handa kang manatili kasama siya, pero tila ba mas lalo siyang naging mailap sa’yo.

Minahal mo si Maynila, Mahal. Kailan kaya ako? 

Sana at Tayo

Sana ang naglaho. Hindi tayo. 

Sana naging magkasama, sana hindi nagkalayo.

Sana nagkaintindihan, sana may napag-usapan.

Sana ‘yung “tayo” bilang magkaibigan.

Sana may pinatunguhan, sana hindi tinalikuran.

Sana kaya pang ibalik, ‘yung “tayo” na ang tagal kong tinangkilik.

‘Yung “tayo” na pilit nating itinanggi, ‘yung “tayo” na tumulak sa aking manatili.

Sana may kinahinatnan, ‘yung tayo na ang tagal kong inasahan. 

May Kalalagyan

Paninikip ng dibdib, kabang hindi maitago
Sadyang kay bilis nang mga pangyayari.

Hindi ko sukat akalain na malaki ang posibilidad,
Hindi ko sukat akalain maaring may kalagyan.

Naghihikaos, humihikbi, nagtatanong
Paano kung bumangga nang ayon sa pagkakataon?

Siguro ay hindi pa oras,
Ito marahil ay isang leksyon.

Sa buhay ang bawat kabig,
Dapat mong tingnan, kaliwa man o kanan,
Nang maiwasan at talikdan
Na maaring may kalalagyan.